Nagpaalala ang PNP Dagupan City Police Office sa publiko hinggil sa panganib na dulot ng malalaking blind spot ng mga truck na kadalasang nagiging sanhi ng aksidente sa kalsada.
Ayon sa abiso ng pulisya, hindi lahat ng panganib sa daan ay agad nakikita, lalo na kapag malalaking sasakyan ang kasabay sa biyahe. Ipinaliwanag nila na may mga bahagi sa paligid ng truck na hindi madaling makita ng driver, dahilan upang malagay sa alanganin ang ibang motorista kapag biglang sumingit o nag-overtake.
Pinayuhan ng mga awtoridad ang mga motorista na tiyaking nakikita sila ng truck driver bago mag-overtake at panatilihin ang sapat na distansya upang maiwasan ang aksidente.
Binigyang-diin din ng pulisya ang kahalagahan ng pagiging mapagmatyag sa kalsada sa pamamagitan ng paalalang, “Spot the risk before it spots you!”
Dagdag pa ng PNP Dagupan, responsibilidad ng bawat motorista ang pagpapanatili ng kaligtasan sa lansangan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







