Tuesday, May 19, 2026

Kampo ni Sen. Bato, sumagot na sa komento ng OSG sa petisyon na humihiling na maglabas ng TRO ang Korte Suprema laban sa pagpapatupad ng ICC arrest warrant

Umapela ang kampo ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga umano’y desisyon ng korte.

Ayon kay Atty. Israelito Toreeon, sa ngayon ay wala pa silang natatanggap kaugnay sa sinasabing ruling at ayaw din nilang pangunahan ang pasya ng Kataas-taasang Hukuman.

Patuloy aniya silang maghihintay sa anumang ilalabas na desisyon ng SC at kinokondena aniya nila ang anumang pagtatangka na impluwensyahan, pangunahan, o panghimasukan ang kanilang magiging hakbang.

Kahapon nang kinumpirma ng Supreme Court na naghain na rin ng tugon ang kampo ni Dela Rosa kaugnay sa komento ng Office of the Solicitor General sa petisyon na humihiling na maglabas ng temporary restraining order sa pagpapatupad ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban sa senador.

Ayon kay Torreon, layon ng kanilang petisyon na tiyakin na anumang pagtatangkang arestuhin o pagkaitan ng kalayaan ang isang Pilipino ay sa legal na proseso sa ilalim ng batas ng Pilipinas lamang dadaan at may pahintulot ng korte sa bansa.

Muli rin nilang iginiit na dapat maglabas na ng TRO ang SC at pagbawalan ang mga awtoridad na arestuhin si Dela Rosa nang walang local court warrant.

Facebook Comments