
Hinihikayat ang lahat ng Persons with Disability o PWD na may valid PWD ID na gamitin ang mga benepisyong ipinagkakaloob ng pamahalaan upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na gastusin at pangangailangan.
Kabilang sa mga pangunahing pribilehiyo ang 20 porsiyentong diskuwento at VAT exemption sa pagbili ng mga gamot, pagpapagamot, laboratory at diagnostic tests, professional fees ng mga doktor, at rehabilitation at therapy services.
Saklaw din ng diskuwento ang pagkain sa mga restaurant at fast food establishments, panunuluyan sa mga hotel, panonood ng sine at iba pang recreational activities, gayundin ang pamasahe sa iba’t ibang uri ng pampublikong transportasyon para sa personal na biyahe.
May karapatan din ang mga PWD na gumamit ng express o priority lane sa mga tanggapan ng pamahalaan at pribadong establisyemento upang mapabilis ang kanilang mga transaksyon.
Bukod dito, maaari ring maging kwalipikado ang ilang PWD sa limang porsiyentong diskuwento sa piling pangunahing bilihin at patuloy na makatanggap ng mga benepisyo mula sa SSS, GSIS, at Pag-IBIG, alinsunod sa umiiral na mga patakaran.
Samantala, muling ipinaalala sa publiko na ang mga benepisyong ito ay para lamang sa eksklusibong paggamit ng may-ari ng PWD ID. Kinakailangan ding magpakita ng valid PWD ID sa bawat transaksyon, at hindi maaaring pagsabayin ang PWD at Senior Citizen discount sa iisang pagbili.| 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










