Wednesday, April 29, 2026

Mga nakakasang job fair ng DOLE, hindi umano sapat para tugunan ang malawakang unemployment sa bansa – KMU

“Kulang at palabas lamang”

Ito ang pahayag ng labor group na Kilusang Mayo Uno (KMU) sa mga planong ikasang malawakang job fairs ng Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong darating na Araw ng Paggawa sa May 1.

Ayon sa KMU, malayo ang 165,000 na alok na trabaho sa mga job fair kumpara sa mahigit 2.66 million na Pilipinong jobless batay na rin sa datos nitong Marso.

Sabi ni KMU Chairperson Jerome Adonis, hindi rin daw nito nasosolusyonan ang pinakaproblema gaya ng mga kakulangan sa mga oportunidad, mababang sahod at kawalan ng kongkretong plano para sa regular at disenteng trabaho.

Ipinunto rin ni Adonis ang nananatiling mataas na presyo ng mga bilihin na hindi na aniya nakakasabay sa naiuuwing kita ng mga manggagawa.

Nakatakdang magkasa ng mga malawakang kilos-protesta ang iba’t ibang grupo sa pangunguna ng KMU para ipanawagan ang pagtaas sa sahod ng mga manggagawa, pagbaba ng presyo ng bilihin at pananagutan sa gitna ng mga nararanasang krisis sa ekonomiya at pulitika.

Magtitipon-tipon ang mga labor group sa kahabaan ng España Boulevard bago mag-martsa patungong Mendiola para gunitain ang International Labor Day.

Facebook Comments