Tuesday, April 28, 2026

Zaldy Co, nasa France na matapos maghain ng political asylum petition —Malacañang

Kinumpirma ng Malacañang na wala na sa kustodiya ng Czech Republic si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co at ngayo’y nasa hurisdiksyon na ng France matapos maghain ng petisyon para sa political asylum.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hiniling ng French government ang paglipat kay Co sa France habang dinidinig ang kanyang asylum request.

Nilinaw naman ni Castro na hindi nakakulong si Co sa France, kundi nasa pangangasiwa ng French authorities.

Wala pa umanong impormasyon si Castro kung kailan naghain ng petisyon si Co at kung sino ang nag-turn over sa kanya sa mga awtoridad ng France.

Aminado rin ang Palasyo na nadismaya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nang malamang wala na sa kustodiya ng Czech Republic si Co.

Kaugnay nito, makikipagpulong bukas, April 29, si Pangulong Marcos sa Ambassador ng France at Charge d’Affaires ng Czech Republic upang alamin ang buong detalye ng nangyari.

Nais din aniya ng pangulo na matukoy kung may pagkukulang sa paghawak ng kaso upang hindi na ito maulit.

Tiniyak naman ng pamahalaan na gagamitin nito ang lahat ng legal at diplomatikong paraan para mapauwi si Co sa Pilipinas at harapin ang mga kasong graft at malversation laban sa kanya.

Facebook Comments