
Nilinaw ng Department of Agriculture na DA accreditation at RFID lamang ang kinakailangan para makapag-enroll ang mga nasa trucking industry sa Free Toll Fee for Agricultural Products Program.
Ayon kay Usec. for Agro-Marine Industrial Systems Arrey Perez, maaari ang mga truck na nasa Class 1 hanggang 3 na may kargang agricultural seeds at crops, livestock at fish products, fertilizers at pesticides, at farm machinery na makadaan sa lahat ng expressway sa bansa nang walang binabayarang toll fee.
Sa kasalukuyan, nasa 1,162 na ang accredited trucks mula sa dating mahigit 4,000. Target ngayon ng mga stakeholder na mahikayat ang mga dati nang accredited trucks na i-renew ang kanilang accreditation upang mapakinabangan ang programa mula April 20 hanggang May 20.
Hinimok naman ng kagawaran ang mga nasa trucking industry na sumali sa programa upang mabawasan ang gastos sa transportasyon at mapanatiling matatag ang suplay ng pagkain.
Dagdag pa rito, makatutulong din ang programa upang maiwasan ang pagkasayang ng mga produktong agrikultural na hindi naibibiyahe dahil sa mataas na presyo ng langis.










