
Magpapatawag ng pagdinig si Senator Sherwin Gatchalian kaugnay sa sistema ng pamamahagi ng ayuda sa public utility vehicle drivers.
Ayon kay Gatchalian, mabagal ang update ng listahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa PUV drivers na bibigyan ng tulong pinansyal ngayong may oil crisis sa bansa.
Giit ng senador, aalamin nila sa ipapatawag na pagdinig kung bakit hindi alisto ang LTFRB sa pag-update at paglinis ng listahan.
Marapat din aniya na magbigay ng special consideration ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamahagi ng ayuda lalo na kung kitang-kita naman at may patunay na drivers ang kukuha ng ayuda.
Bunsod naman ng mainit na panahon, inirekomenda ni Gatchalian sa DSWD na maglagay ng first aid responders sa mga distribution centers lalo’t ilan na ang naitalang nahimatay, sumama ang pakiramdam at masaklap nito ay may nasawi pa dahil sa matagal na nakapila para sa ayuda.










