
Nasamsam ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang nasa higit P2 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo sa Riverside, Timako, Brgy. Kalanganan 2, Cotabato City, kahapon, Abril 15.
Ayon sa ulat ng pulisya, nakatanggap sila ng tip mula sa isang informant patungkol sa isang pulang truck na naglalaman ng mga kahon ng hinihinalang puslit na sigarilyo na agad namang pinuntahan ng mga operatiba para beripikahin.
Pagdating nila sa lugar ay nadatnan nila ang nasabing pulang truck na naglalaman ng 70 kahon ng mga smuggled na sigarilyo.
Bigo namang makaaresto ang mga operatiba dahil ang mga suspek ay tumakas na rin.
Ang mga nakumpiska namang truck at mga sigarilyo ay nasa kustodiya ng Police Regional Office (PRO) – 3 kung saan ito ay ituturn over sa Bureau of Customs (BOC) para sa tamang disposisyon.
Nagsasagawa na rin ng masusing imbestigasyon para matukoy ang kinaroroonan ng mga suspek.










