Saturday, April 18, 2026

Rules ng Committee on Ethics ng Senado, inaprubahan na; mga ethics complaint, masisimulan nang talakayin

Mailalathala na bukas ang inamyendahang rules ng Senate Committee on Ethics and Privileges matapos makakuha ng sapat na lagda mula sa mga miyembro.

Ito ang kinumpirma ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito na siyang tumatayong Chairman ng Ethics Committee ng Senado.

Kabilang sa mga lumagda sa inaprubahang rules si Ejercito, Ethics Committee Vice Chairman Kiko Pangilinan, Senator Erwin Tulfo at Senator Risa Hontiveros.

Pumirma rin ang mga ex-officio members na sina Senate President pro-tempore Ping Lacson at Majority Leader Migz Zubiri.

Hindi naman lumagda sina Senator Imee Marcos at Senator Rodante Marcoleta na kinatawan ng minority bloc sa komite.

Sinabi ni Ejercito, oras na mailathala ang rules, magagawa na nito ang evaluation at maisasalang na sa mga pagdinig ang ethics complaints laban sa ilang senador.

Itinakda naman sa April 28 ang muling pulong ng Ethics Committee at doon rerepasuhin ang compliance sa form and substance ng siyam na ethics complaints na natanggap ng komite.

Facebook Comments