
Dumating na sa tanggapan ng PNP-CIDG ang panibagong set ng basketball players ng Ateneo ngayong araw sa Camp Crame Quezon City.
Ito ay para sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa pagkasawi ng dalawang college basketball players na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa Aurora noong June 8.
Nabatid na inimbitahan sila ng CIDG para makapagbigay ng salaysay sa nangyaring insidente sa isang resort doon sa nasabing lugar.
Kung saan ilan sa mga iniimbestigahan ng pulisya ay ang ginawang calisthenics ng grupo, exposure sa weather, brutal treatment, at ang forced physical activity.
Kaugnay nito, nagpahayag naman mensahe ang CIDG na wala muna silang maibibigay na impormasyon kaugnay ng insidente dahil na rin na nakatuon muna sila sa nagpapatuloy na imbestigasyon.
Anila, ito ay para matiyak na ang integridad ng imbestigasyon ay maingatan at ang karapatan ng lahat ng partidong kasama ay protektado at hindi mapinsala sa anumang paraan.
Tiniyak naman ng CIDG na makakapagbigay ito ng ulat sa nasabing imbestigasyon sa insidente sa susunod na linggo.










