
Iginiit ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas na hindi pwedeng walang mananagot sa nangyaring trahedya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1 departure area kung saan dalawa ang nasawi at marami ang nasugatan.
Bunsod nito ay iginiit ni Brosas ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon sa naturang insidente kung saan inararo ng isang SUV ang mga tao sa nabanggit na bahagi ng paliparan.
Diin ni Brosas, napigilan sanang may masawi at nasaktan kung hindi sablay ang bollards na inilagay sa nabanggit na bahagi ng paliparan na syang pumigil dapat sa SUV.
Nakakagalit at nakakabahala para kay Brosas ang posibilidad na nagkaroon ng korapsyon at kapabayaan sa paglalagay naturang safety bollards noong 2019 na bahagi ng NAIA rehabilitation program sa ilalim ng pamumuno ni dating ransportation Secretary Arthur Tugade na pinondohan ng bilyun-bilyong piso.