
Muling binanatan ng opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) ang China matapos ang mga ulat ng umano’y pag-angkin na rin sa lalawigan ng Batanes.
Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, naging kaduda-duda tuloy ngayon ang pagbisita ni Chinese Ambassador Jing Quan sa Batanes noong nakaraang buwan.
Kinuwestiyon ni Tarriela kung totoo bang may mabuting intensiyon ang pagbisita ng Chinese ambassador o kung minamanmanan na nito ang isla na inaangkin na rin ng Beijing.
Ayon naman sa Chinese Embassy, iniuugnay lamang ni Tarriela ang pagbisita ni Jing sa Batanes para umano gumawa ng away sa pagitan ng mga Chinese at mga Pilipino.
Pero sinabi ni Tarriela na kung talagang hindi kumakatawan ang sinabi ng academic scholars sa pananaw ng Chinese government ay dapat mismong si Ambassador Jing Quan ang kumondena sa iligal na pag-angkin sa lalawigan.
Samantala, kasabay naman ng paggunita ng ika-10 anibersaryo ng 2016 Arbitral Ruling, sinabi ni Tarriela na hindi lalabas ang ganitong desisyon kung walang pambu-bully, pangha-harass, pagsira ng kalikasan at pag-angkin sa South China Sea na ginagawa ang Beijing.
Ang patuloy anilang hindi pagkilala ng China sa ruling ay nagresulta lanang sa pagsuporta ng mas maraming bansa.










