SALITANG “ESMIRINGHOY” AT IBA PANG KAHALINTULAD NA KATAGA, IPINAGBAWAL SA LOOB NG ISANG PAARALAN; MGA LALABAG, SASAILALIM SA DISCIPLINARY ACTION

Ipinagbawal ng Supreme Secondary Learner Government o SSLG, kasabay ang pamunuan ng Bani Integrated School, ang paggamit ng salitang “Esmiringhoy” at iba pang kahalintulad na kataga sa loob ng paaralan, mga opisyal na aktibidad at mga online platform na kaugnay ng paaralan.

Sa inilabas na campus-wide announcement, binigyang-diin na layon ng paalala na itaguyod ang magalang na pananalita, paggalang sa kapwa, pagiging inklusibo at wastong asal sa loob ng paaralan.

Kabilang sa mga ipinagbabawal ang iba pang kahalitulad na kataga ng tinurang salita.

Ayon sa SSLG, ituturing na pang-aabuso o harassment ang patuloy na paggamit ng mga salitang ito laban sa kapwa mag-aaral o mga personnel ng paaralan, alinsunod sa Rule Number 9 ng kanilang Student Handbook na tumutukoy sa respeto, kaligtasan at wastong pag-uugali.

Nakasaad din sa paalala ang mga kaukulang interbensiyon sa mga lalabag sa patakaran.

Sa unang paglabag, sasailalim ang mag-aaral sa counseling at verbal warning.

Sa ikalawang paglabag, magbibigay ng written warning at magsasagawa ng pagpupulong kasama ang mga magulang, adviser at guidance counselor.

Habang sa ikatlong paglabag, irerefer na ang kaso sa Office of the Principal para sa karagdagang disciplinary intervention.

Hinikayat naman ng SSLG ang lahat ng mag-aaral na maging maingat sa pagpili ng mga salitang ginagamit at panatilihing magalang at ligtas ang kapaligiran ng pagkatuto para sa lahat. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments