Walang naiulat na nasaktan sa sunog na tumama sa isang tindahang nagbebenta ng plasticware sa Poblacion, Calasiao, Pangasinan, kahapon ng hapon, Nobyembre dos.
Ayon kay Calasiao Mayor Patrick Agustin Caramat, bandang alas-singko treinta y singko ng hapon nang matanggap ang ulat tungkol sa sunog.
Rumesponde ang mga bumbero at volunteer, at pagsapit ng alas-singko singkuwenta y nuwebe ay idineklara itong fire out, dalawampu’t apat na minuto matapos maiulat ang insidente.
Batay sa paunang impormasyon ng alkalde, karamihan sa mga paninda ng nasunog na tindahan ay mga kagamitang gawa sa plastik.
Bagaman hindi nadamay sa apoy ang mga katabing establisimyento, nawalan din ng suplay ng kuryente ang ilan sa mga ito.
Hindi nabanggit sa panayam kung gaano katagal ang pagkawala ng kuryente.
Nagpasalamat naman si Caramat sa mabilis na pagtugon ng mga responder at mga volunteer sa bayan.
Kasunod ng insidente, nagpaalala ang alkalde sa mga residente na suriin ang kanilang mga kagamitang elektrikal, lalo na bago umalis ng bahay.
Tiniyak din ni Caramat na nakahanda ang lokal na pamahalaan, BFP at mga katuwang na volunteer organization sa pagtugon sa mga emergency.
Sa oras ng panayam kahapon, patuloy pa ang imbestigasyon sa pinagmulan ng sunog. Wala pang ibinahaging halaga ng pinsala. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










