BENTAHAN NG ITLOG NGAYONG TAG-INIT, NANATILING MALAKAS SA KABILA NG PAGLIIT NG SUKAT

Dumarami ang nagbebenta ng itlog sa kalsada man o sa palengke dahil sa mas mataas na demand ngayong tag init.

Ayon sa ilang poultry raisers at manlalako, malaki ang epekto ng matinding init sa produksyon ng mga manok. Anila, madaling ma-stress ang mga alagang manok at hindi sapat ang kanilang nakakain na dapat ay umaabot sa 100 grams kada araw upang makapaglabas ng mas malalaking itlog.

Sa kabila nito, patok pa rin umano ang bentahan ng itlog lalo na ang mga binebenta kada tray. Ito ay dahil mas maraming maliliit na itlog ang naipoprodyus ng mga manok, na umaabot sa tatlo hanggang limang itlog bawat manok.

Dahil dito, mas pinipili na lamang ng mga manlalako na ibenta ang mga ito kada tray sa mas murang halaga kaysa kada piraso upang kahit paano ay kumita pa rin.

Sa kasalukuyan, nasa P130 ang presyo ng small-sized eggs kada tray habang P160 naman ang medium-sized eggs. Tumatagal umano ng tatlo hanggang apat na linggo bago masira ang mga itlog, ngunit mas mabilis itong napapanis kapag direktang naiinitan.

Sa kabila ng hamon sa produksyon dulot ng matinding init ng panahon, patuloy pa rin ang mga manlalako sa paghahanapbuhay at pagsunod sa takbo ng merkado upang makabenta at kumita. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments