
Cauayan City – Patay ang isang 18-anyos na binata matapos masangkot sa aksidente sa National Highway, Purok 2, Barangay Tuao South, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Kinilala ang nasawing driver ng single motorcycle na si alyas “Ram” , residente ng Brgy. Pogonsino, Bagabag, Nueva Vizcaya habang ang SUV ay minamaneho naman ni Ildifonso, 54-anyos mula sa Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.
Batay sa imbestigasyon ng Bagabag Police Station, parehong binabaybay ng dalawang sasakyan ang kalsada sa magkasalungat na direksyon kung saan patungo umano sa Solano, Nueva Vizcaya ang motorsiklo habang patungo naman sa Bagabag Town Proper ang SUV.
Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, biglang umagaw ng linya ang SUV at nasalpok ang motorsiklo na nasa kabilang linya.
Dahil sa lakas ng banggaan, tumilapon ang biktima at nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan dahilan upang agad siyang isinugod ng MDRRMO sa pagamutan ngunit sa kasamaang palad ay idineklara itong dead on arrival.
Sa naging panayam ng IFM News Team kay Police Major Oscar Abrogena, Chief-of-Police ng Bagabag Police Station, nagpasya umano ang pamilya ng biktima na makipag-areglo na lamang sa driver ng SUV dahilan upang hindi na tuluyan pang isampa ang kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property laban sa kanya.