
Nagpaabot na ng tulong ang Department of Migrant Workers (DMW) sa isang Filipinong seafarer na nasugatan matapos atakehin ng tatlong drone ang kinabibilangang oil tanker na ACER sa Persian Gulf noong October 7.
Ayon sa DMW, kasalukuyang nagpapagaling sa Hamad General Hospital sa Doha, Qatar ang nabanggit na seafarer matapos ma-rescue ng Qatar Navy at Qatar Coast Guard.
Binisita na ito ng Migrant Workers Office (MWO) at OWWA Qatar upang magbigay ng kinakailangang kagamitan, paunang tulong, at subaybayan ang kanyang kalagayan para sa kanyang paggaling at repatriation.
Samantala, ligtas naman ang iba pang 24 na Filipino crew members ng nasabing barko na kasalukuyang patungo na sa Dubai kung saan nakatakdang dumaong ang vessel.
Tiniyak ng DMW na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng lahat ng apektadong Pilipinong seafarer.










