
Tumestigo si Gil Navidad, isa sa mga nagpakilalang dating bodyguard ni former Congressman Zaldy Co, sa ikalawang araw ng bail hearing para sa kasong plunder na kinakaharap ni dating House Speaker Martin Romualdez ngayong Martes ng umaga, October 13.
Sa testimonya ni Navidad, nasaksihan umano niya, sa loob ng tatlong taong panunungkulan, ang pagbibilang ng dalawang tauhan ni dating Congressman Zaldy Co ng mga bundles ng pera na nasa maleta sa Horrison Homes, sa Taguig.
Gayunpaman, hindi umano nakita ni Navidad si Romualdez nang ideniliver ang nasabing mga maleta sa apat na address na umano’y bahay ni Romualdez, partikular sa McKinly Road, Forbes Park, Makati City; Aguado Street, Maynila; at Tamarind Street, South Forbes Park at Narra Street, Forbes Park, sa Makati City, dahil taga-bantay lang umano siya sa labas ng gate ng nasabing mga address.
Samantala, tinalakay rin sa pagdinig ang umano’y litratong naka-attached sa sinumpaang salaysay ni Navidad na naglalaman ng umano’y palitan ng mensahe sa isang viber group chat, kaugnay ng umano’y panghihikayat dahil may ilang myembro nang bumaliktad, gayunpaman ay hindi naman direktang nabanggit sa korte kung anong klaseng panghihikayat ito.
Sa kabilang banda, ipagpapatuloy naman mamayang hapon ang pangalawang pagdinig ngayong Martes, October 13, kung saan si Christopher Esquibel, isa sa mga nagpakilalang dating bodyguard ni Co, ang uupo bilang testigo.










