Tuesday, October 13, 2026

Pagpasa ng Kamara sa proposed 2027 national budget, kinontra ng ilang kongresista

282 mga kongresista ang bomoto pabor sa pagpasa ng Kamara sa House Bill No. 10858 na kinapapaloob ng P7.2 trillion na proposed 2027 national budget pero 13 ang komontra o nagbigay ng “No” votes at ilan sa mga ito ay sina Representatives Chel Diokno, Dadah Kiram Ismula, Eli San Fernando, Toby Tiangco, Antonio Tinio, Sarah Elago at Renee Co.

Dismayado si Congressman Diokno ng Akbayan Party-list sa tapyas sa alokasyon para sa education at basic public services habang tinaasan ang pondo sa mga ayuda bukod sa kulang din ang transparency at partisipasyon ng publiko sa budget process.

Tinuligsa naman ni Congresswoman Ismula ng Akbayan Party-list na hinayaan ng Kamara na manatiling kulang ang pondo para sa kalusugan habang inilalaan ang bilyon-bilyong piso sa mga item na hindi naman direktang nagliligtas ng buhay ng ating mga kababayan.

Binatikos din ni San Fernando na bilyun-bilyong piso ng pondo ng bayan ang sistematikong ibinuhos sa mga discretionary assistance programs habang binarat ang pondo para sa kalusugan, labor enforcement, agrikultura, at pangangalaga sa mga senior citizen.

Ini-aangal naman ni Rep. Tiangco ng Navotas ang kabiguan ng House of Representatives na lubos na ibukas sa publiko ang pagbusisi sa sarili nitong pondo na tinaasan pa ng Budget Amendments and Review Subcommittee (BARSC) ng ₱5 billion 28.37%.

Giit naman ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, ito ay isang pork barrel budget na sinusutentuhan ng utang para sa pakinabang ng mga bilyonaryo at pulitiko, hindi ng taumbayan.

Para kay Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago, ang budget na ito ay patuloy na sumasalamin sa ilang dekadang patakaran na nagpapayaman sa iilang mga pamilya at dambuhalang korporasyon habang pinipiga ang masang Pilipino ng patung-patong na pahirap na buwis.

Hinanakit naman ni Kabataan Party-list Rep. Renee Co, sa mga nagdaang buwan ng deliberasyon ay naging malinaw sa publiko na wala sa prayoridad ng gobyerno ang paglalaan ng badyet na maglilingkod sa interes ng mamamayan lalo sa mga kabataan at maralitang Pilipino.

Facebook Comments