
Ikinalulungkot ni Senator JV Ejercito ang muling pagkakakulong ng kapatid na si Senator Jinggoy Estrada matapos na masangkot at makasuhan sa maanomalyang flood control projects.
Kasalukuyang naka-detain ngayon si Estrada sa Quezon City Jail matapos ipag-utos ng Sandiganbayan 5th Division ang pag-aresto sa senador dahil sa kasong plunder at graft.
Ayon kay Ejercito, bilang kapatid ay nalulungkot siya sa nangyayari subalit bilang public servant ay kailangang pairalin at umusad ng batas.
Sinabi ng senador na pinagdarasal niya ang kanyang kapatid na maging matatag na harapin ang mga akusasyon laban sa kanya at harapin ang mga darating pang hamon.
Samantala, hindi rin ikinasisiya ng mambabatas ang nangyayari ngayon sa Senado at umapela sa mga kasamahan na ibalik ang respeto, dignidad at integridad ng Mataas na Kapulungan.










