
Mananatiling myembro ng Senate Minority Bloc si Senator Mark Villar sa kabila ng bumoto ito ng Yes para i-overturn ang naunang ruling ni presiding officer Chiz Escudero sa 2/3 voting threshold para sa conviction sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, mananatili sa minorya si Sen. Mark at hindi naman nila pinakikialaman ang boto ng bawat senator-judges.
Giit pa ni Cayetano, pagdating sa impeachment court ay walang majority at minority bloc.
Batid din niyang naka-apekto sa mga boto ng mga senator-judge ang naging opinyon ng mga inimbitahang amici curiae tungkol sa posibleng pagbabago ng voting threshold.
Dagdag pa ni Cayetano, pawang mga nagtatrabaho ang mga senador sa minority bloc at wala namang sama ng loob o gulo sa mga myembro.










