Friday, September 25, 2026

Malacañang, igagalang ang anumang desisyon ng Korte Suprema sa voting threshold sa Impeachment

Igagalang ng Malacañang ang anumang magiging desisyon ng Korte Suprema sa petisyong kumukuwestiyon sa voting threshold para sa conviction ni Vice President Sara Duterte (VPSD) sa Impeachment Trial.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, dapat sundin ang magiging pasya ng Kataas-taasang Hukuman dahil maaari itong maging bahagi ng jurisprudence.

Nilinaw rin ni Castro na hindi partido ang Ehekutibo sa naturang petisyon.

Ang usapin ay kasunod ng desisyon ng mga senator-judge na hindi na ibabase sa kabuuang 24 na miyembro ng Senado ang two-thirds requirement para sa conviction ni VP Sara.

Dahil dito, kinuwestiyon ni dating Executive Secretary Vic Rodriguez ang naturang desisyon, na aniya ay taliwas sa itinatadhana ng Konstitusyon.

Nakatakda ngayong desisyonan ng Korte Suprema kung naaayon sa batas at Konstitusyon ang bagong voting threshold na gagamitin sa impeachment trial.

Facebook Comments