
Kinalampag ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga kaukulang ahensiya ng gobyerno na palakasin ang seguridad sa mga paaralan.
Kasunod ito ng pagkasawi ng ilang mga estudyante matapos ang nangyaring panibagong shooting incident sa Banga National High School.
Nanawagan si Go sa Executive Department, sa Department of Education (DepEd), sa Philippine National Police (PNP), at sa mga law enforcement agencies na gawan ng paraan ang paulit-ulit na insidente ng pamamaril.
Ipinanukala rin ng senador ang Senate Bill 2413 o Safe Schools and Violence Prevention Bill na layong magtatag ng National Safety Framework para sa mga paaralan.
Umapela rin ang mambabatas sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na maglatag ng mas epektibong precautionary at pinalakas na security measures sa lahat ng paaralan sa buong bansa.
Iginiit ni Go na huwag nang maghintay ng panibagong trahedya bago kumilos at dapat manatiling “zones of peace and learning” ang mga paaralan.










