
Humingi ng paumanhin si Senator Miguel Zubiri sa pamilya ng dating TV showbiz host at journalist na si Lourdes Carvajal o mas kilala bilang Inday Badiday.
Ito’y matapos na mag-react ang apo ni Inday Badiday na si IC Mendoza sa kanyang Facebook account at sinita si Zubiri na huwag bastusin ang ala-ala ng kanyang late Mommy Luds.
Aminado si Zubiri na “slip of the tongue” ang kanyang pagbanggit kay Inday Badiday matapos na maglabas ng video si Senator Imee Marcos na inalmahan ng mga taga-minorya at hindi niya hangad na siraain ang alala o legacy ng tv host at journalist.
Idiniin ni Zubiri na malaki ang kanyang respeto kay Inday Badiday at gaya ng maraming Pilipino sa kanyang henerasyon, kinalakihan niya na napapanood ito, bahagi ng pop culture ng bansa, mahal ng maraming Pilipino at kinikilala niya ang malaking kontribusyon nito sa Philippine TV, entertainment, journalism at sa media.
Sa plenaryo kahapon, naunang tumayo si Zubiri sa hanay ng minority at galit itong nagbigay reaksyon sa aniya’y fake news na video presentation ni Sen. Imee matapos akusahan ang oposisyon na gumagawa ng paraan para maisulong ang charter change para sa term extension ng mga nakaupo at dito niya nabanggit kung “Inday Badiday” na ba silang lahat sa Senado at ang bahaging ito ang ikinadismaya ng pamilya Carvajal.
Tinanggap din naman ni IC Mendoza ang paliwanag ni Zubiri at nauunawaan niya kung ano ang hugot nito subalit ayaw lamang nila na maihambing ang ala-ala ng kanyang lola sa mga fake news peddlers.










