Thursday, April 23, 2026

Senador, dismayado dahil hindi kumilos ang gobyerno noong mataas ang presyo ng langis sa kabila ng batas para rito

Dismayado si Senator Imee Marcos sa tila huling realization o pagkilala ng gobyerno sa kapangyarihan nito sa ilalim ng Republic Act 7638 o ang Department of Energy (DOE) Law.

Ayon kay Sen. Imee, nakakalungkot na kung kailan pababa na ang presyo ng krudo ay saka magsasabi ang Department of Energy (DOE) na may kapangyarihan silang maglimita ng pagtaas sa presyo ng petrolyo at magpatupad ng minimum rollback.

Noong mataas aniya ang fuel prices, walang nagbago sa kapangyarihan ng pamahalaan at ng DOE sa ilalim ng batas.

Sinabi pa ng senadora na kung kailan maraming PUV drivers ang tumigil sa pamamasada, maraming magsasaka ang hindi nakapag-ani, at maraming mangingisda ang hindi nakapalaot, ay saka pa lamang naisip na maaari palang manghimasok ang gobyerno kapag hindi na makatwiran ang pagtaas sa presyo.

Dagdag pa ni Sen. Marcos, dapat ay gumalaw na ang pamahalaan para kontrolin ang walang habas na pagtaas sa presyo matapos ideklara ang national energy emergency.

Facebook Comments