
Kinikilala ng kampo ni dating House Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez ang precautionary hold departure order (PHDO) na inilabas ng Sandiganbayan alinsunod sa hiling ng Office of the Ombudsman.
Ayon sa abogado at tagapagsalita ni Romualdez na si Atty. Ade Fajardo, pinag-aaralan na nila ang mga posibleng legal na hakbang upang kwestyunin ang naturang PHDO.
Binanggit ni Fajardo na nananatili sa Pilipinas si Romualdez kaya iresponsable at walang katotohanan ang mga hinala na ito ay tatakas palabas ng bansa.
Diin pa ni Fajardo, nag-secure si Romualdez ng travel clearance, nakipag-ugnayan sa Department of Justice (DOJ) at Bureau of Immigration (BI), at sinunod ang lahat ng tamang proseso para sa planong apat na araw na pagpapagamot sa Singapore kasama ang kanyang doktor.
Nakakalungkot, ayon kay Fajardo, na ang tama at maayos na aksyon ni Romualdez ay binaluktot upang palabasing nais nitong tumakas palabas ng bansa.
Sa kabila nito, tiniyak ni Fajardo na haharapin ni Romualdez ang lahat ng alegasyon laban sa kanya at ipagpapatuloy nito ang kooperasyon, pagiging bukas, at respeto sa legal na proseso.










