
Isiniwalat ni Senator Raffy Tulfo ang isang Person Deprived of Liberty (PDL) na lumabas ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) facility sa Lapu-lapu City sa Cebu na naging isang milyonaryo matapos makapagbenta sa kulungan ng mga telephone cards na “one-to-sawa” ang tawag.
Sinita ni Tulfo sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang tila pagkunsinti sa iligal na pagnenegosyong ito ng mga PDL sa mga pasilidad ng BJMP.
Sinabi ni Tulfo na kung drug cases ang kinakaharap ng PDL ay pwedeng tuloy-tuloy ang transaksyon sa tawag sa telepono, at kung naging milyonaryo ang PDL ay malamang pati ang jail warden milyonaryo na rin.
Ayon kay BJMP Deputy Chief for Administration Jail Supt. Dennis Rocamora, hindi pinapayagang magnegosyo ang PDLs kaya posibleng nagpabaya at pinalusot ito ng jail warden.
Maaari namang magtindahan sa loob ng kulungan pero sa pangangasiwa ng warden at dapat mapunta ang kita sa livelihood programs.










