
Pinag-iingat at pinaghahanda ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., ang mga kababayan na babyahe at magbabakasyon ngayong Semana Santa para iwas aberya.
Tinukoy ng senador ang datos ng Philippine National Police (PNP) kung saan sa panahon ng Holy Week nagaganap ang maraming vehicular accident bunsod na rin ng dami ng mga naglalakbay.
Payo ni Revilla, tiyaking nasa kondisyon ang kalagayan ng mga sasakyan at kahit ang nagmamaneho bago sumabak sa mahabaang biyahe para matiyak na iwas aksidente at abala sa lansangan.
Partikular na dapat tiyakin bago umalis ay may sapat na hangin ang gulong, kumpleto ang brake fluid at mga tools ng sasakyan.
Huwag din aniyang kalimutan na magbaon ng tubig lalo’t mainit ang panahon, sapat na pagkain at gamot para hindi na mahirapang maghagilap kapag kailangan.
Higit sa lahat, pinatitiyak ni Revilla na nasa maayos na kalagayan ang mga tahanan bago umalis, naka-unplug ang mga appliances para hindi magkasunog, siguruhing nakakandado ang mga pinto at gate at mag-iwan ng kahit ilang bukas na ilaw para iwas magnanakaw.