
Isinisi sa kawalan ng modernong border security ng Pilipinas ang mga insidente ng iligal na paglabas ng mga Pilipino at pag-aresto sa mga dayuhang lumabag sa immigration law.
Sa pahayag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), tinukoy ng Bureau of Immigration (BI) na nitong Hunyo 16, labing-isang Pilipino ang naibalik sa bansa mula sa Kota Kinabalu, Malaysia matapos gumamit ng mga iligal na “backdoor” route upang makapagtrabaho sa ibang bansa.
Ayon sa BI, anim sa kanila ang hindi dumaan sa tamang proseso ng pag-alis sa bansa at karamihan ay hindi pa nakatanggap ng anumang sahod mula sa kanilang pinasukan.
Iginiit naman ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na lumalabas sa mga insidenteng ito ang matinding panganib na kinahaharap ng mga Pilipinong nalilinlang ng illegal recruiters na nangangakong makapagbibigay ng trabaho sa ibang bansa kapalit ng pag-iwas sa legal na proseso ng paglabas ng bansa.
Kasalukuyang nire-review ng Bureau of Immigration ang Civil Aviation and Immigration Security Services o CAISS Project, isang Public-Private Partnership na nagkakahalaga ng P10.74 bilyon.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, saklaw ang proyekto ng biometric verification, electronic gates, artificial intelligence o AI, facial recognition at real-time data processing upang mas mabilis matukoy ang mga human trafficker, terorista at iba pang high-risk travelers bago pa man makapasok o makalabas ng bansa.
Sinabi pa ni Sandoval na dumaan na sa tinatawag na Swiss Challenge ang panukalang CAISS Project at wala nang ibang kompanyang nagsumite ng offer.
Una nang inihayag ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na hindi na sapat ang 85 taong gulang na Philippine Immigration Act of 1940 para tugunan ang mga makabagong banta tulad ng human trafficking, terorismo at iba pang transnational crimes.










