
Kinalampag muli ni Senate President Win Gatchalian ang mga paaralan na paigtingin ang kanilang security measures matapos ang magkakasunod na insidente ng pananaksak sa mga paaralan.
Ikinabahala ni Gatchalian na ilang araw lang matapos ang stabbing incident sa Macabalan Elementary School (MES) sa Cagayan de Oro kung saan isang Grade 6 student ang nanaksak sa ka-eskwela na nambubully umano sa kanya, ay nasundan pa ito ng kaparehong insidente.
Kabilang dito ang pananaksak ng isang Grade 7 na estudyante sa kanyang kaklase sa San Pablo City Science Integrated High School sa San Pablo City, Laguna at isa pang stabbing incident sa isa ring pampublikong paaralan sa Davao City kung saan dalawang Grade 5 students ang sangkot.
Muling nanawagan si Gatchalian sa Department of Education (DepEd) na palakasin ang security measures na dapat sabayan ng pagpapatupad ng School-Based Mental Health Program at anti-bullying policies.
Kasabay nito ay tiniyak naman ng Senate President ang sapat na suporta ng 2027 national budget sa mga programang nabanggit dahil kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral ang nakataya.
Iginiit ni Gatchalian na malaki at mabigat ang hamon sa pagprotekta sa mga anak at kailangang matuldukan ang karahasan sa mga paaralan.










