Thursday, May 21, 2026

Senador, pumalag sa pahayag ni Sen. Pia Cayetano na hindi sila nangamusta sa mga kasamahang mambabatas na naipit sa shooting incident

Umalma si Senator Ping Lacson sa naging pahayag ni Senator Pia Cayetano na wala ni isa sa kanilang mga dating kasama sa mayorya ang nangamusta sa mga mambabatas na na-trap sa gitna ng barilan sa loob ng Senado.

Sa post ni Lacson sa kanyang X account, sinabi nitong papaano naman kakamustahin ang mga taong masaya kumakain ng magkakasama, umiinom ng kape at nakapag-live pa sa Facebook para lamang akusahan ang minority bloc na may ideya umano sa nangyaring kaguluhan noong nakaraang Miyerkules.

Kinwestyon din ni Lacson kung sino sa pagitan nina Senator Risa Hontiveros at Senator Pia ang patas at hindi patas.

Ayon kay Lacson, ang kanyang dalawang kasamahan ay naghayag mula sa magkaibang timeline at konteksto.

Hinamon aniya ni Hontiveros ang liderato ng Senado na mabilis na aksyunan at imbestigahan ang magulong sitwasyon sa Senado na naging sanhi ng shooting incident noong nakaraang linggo na ngayon ay parang walang nangyari.

Habang si Sen. Pia ay minasama ang pahayag ni Hontiveros at naging emosyonal at inaakusahan pa ang mga myembro ng bagong minorya sa insidente na itinuturing ito na “parang walang nangyari”.

Dagdag pa ni Lacson, nakaramdam siya ng double relief ngayon na inalis na rin siya bilang Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee at ang ipinalit na Chairperson ay si Sen. Pia.

Matatandaang si Lacson ang Chairman ng BRC na nagimbestiga sa maanomalyang flood control projects na kinasangkutan ng ilang mga senador, matataas na opisyal at mga kongresista.

Facebook Comments