
Pinagtibay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kampanya ng pamahalaan para sa food security sa paglulunsad ng ikalawang Walang Gutom Kitchen ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Cebu City.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, binigyang-diin ng pangulo ang pangangailangang palakasin ang mga programa laban sa gutom upang matiyak na may sapat na pagkain ang bawat pamilyang Pilipino.
Inatasan din ni Marcos si DSWD Secretary Rex Gatchalian at iba pang ahensya na paigtingin ang mga hakbang na tutugon sa kagutuman at magpapalakas sa food security ng bansa.
Ayon sa Malacañang, bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng administrasyon na tiyaking walang Pilipinong magugutom at mas maraming pamilya ang magkakaroon ng sapat na pagkain sa kanilang hapag.










