Wednesday, June 24, 2026

Impeachment trial sa July 6, dapat matuloy

Iginiit ni Bicol Saro Representative Terry Ridon na dapat matuloy pa rin ang impeachment trial sa July 6 kahit pa ma-extend ang pre-trial conference.

Bigo kasi na matapos kahapon ng Senate Impeachment Court ang pre-trial conference para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ito ay dahil libo-libo pa rin ang mga dokumento na kailagang markahan bilang magiging exhibit o ebidensya ng House prosecution panel at ng defense team ni VP Duterte sa gitna ng paglilitis.

Giit ni Ridon gusto man nilang madaliin ang pagmamarka sa gitna ng pre-trial conference mahirap itong gawin.

Itinanggi naman ni Ridon ang paratang ng defense team na sa umaga lang dumarating sa pre-trial conference ang mga congressmen prosecutors at iniiwan na ang marking ng mga dokumento sa private prosecutors kaya nagkukulang ng tao.

Depensa ng kongresista hindi sila kinukulang ng manpower at ang nagpapatagal sa proseso ay ang malaking volume ng mga dokumento.

Facebook Comments