
Hinahamon ni House Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V ang mga kritiko at opposition lawmakers na maglabas ng resibo o ebidensya na may kapalit ang pagboto para sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Ortega, dapat maglabas ng ebidensya at pangalanan ang mga kongresista na umano’y may nakuhang pabor dahil sa pagsuporta sa impeachment laban kay VP Duterte.
Giit ni Ortega, kung totoo ang naturang kwento ay dapat maglabas ng sinumpaang salaysay ang mga nagpapakalat nito at magsampa ng kaukulang kaso.
Diin ni Ortega, kung walang patunay na mailalabas kaugnay sa nasabing alegasyon ay dapat tumigil na ang mga nasa likod nito sa patuloy na paninira sa buong Kamara.
Ipinunto ni Ortega na ang gawa-gawang kwento ng suhulan hinggil sa impeachment ni VP Sara ay hindi lang sumisira sa trabaho ng House Committee on Justice kundi sa Kongreso bilang isang constitutional body.










