
Umaasa si Senator Robinhood Padilla na susunod ang lahat ng mga abogado ng prosekusyon at depensa sa naging ruling ni Senate Impeachment Court presiding officer Chiz Escudero sa sub judice rule.
Ayon kay Padilla, ang mahigpit na pagpapairal sa sub judice rule ng impeachment court ay basic, patas at makatwiran.
Sana rin aniya ay sumunod ang lahat ng mga abogado ng dalawang panig sa sub judice rule.
Gayunman, hiniling ni Padilla na sana ay pinangalanan ni Escudero kung sino-sino ang mga madalas na lumabag sa sub judice rule bago pa man maibaba ang final ruling dito.
Iginiit ni Padilla na sa pagkakaalam niya ay wala pang senador ang lumabag sa sub judice rule subalit napatanong siya para sa kanyang sarili.
Wala aniyang problema sa pagbabayad ng P30,000 na multa dahil kayang-kaya ito ng kanyang asawa ngunit ang mahirap ay ang masampahan ng ethics complaint.
Idiniin pa ni Padilla na hindi makatwiran ang pagaakusa sa mga senador na nagaabogado sa prosekusyon o sa depensa dahil trabaho nilang mga senator-judges ang magtanong at hanapin ang katotohanan.










