
Patuloy na pinalalakas ng pamahalaan ang technical-vocational education and training o TVET upang mas maraming Pilipino ang magkaroon ng oportunidad sa trabaho at kabuhayan.
Ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., mahalagang bigyang-pansin ang TVET dahil nagbibigay ito ng alternatibong landas sa mga nais magkaroon ng kasanayan at makahanap ng trabaho.
Nagtutulungan na aniya ang Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang mabigyan ang mga kabataan ng mga programang angkop sa kanilang kakayahan at mithiin.
Binigyang-diin ng Pangulong Marcos na hindi lamang diploma o certificate ang layunin ng edukasyon, kundi ang pagbibigay ng mas de-kalidad at abot-kayang oportunidad sa bawat Pilipino.










