
Tinapos na ni Senate President Sherwin Gatchalian ang tinaguriang “Senateflix” o ang tila palabas na sinubaybayan ng publiko na mga nagdaang girian sa isyu ng liderato ng Senado.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Gatchalian na tapos na ang “Senateflix” at “back to work season” na ang mga senador.
Katunayan aniya, makikita kahapon ang pagtatrabaho na ng Senado matapos na makapagpasa ng mga batas at makumpirma ang promosyon ng limang heneral at 85 Department of Foreign Affairs (DFA) officials.
Sinabi ni Gatchalian, sa mga susunod na linggo ay ilalatag na nila ang mga Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) bills na kailangang matapos at ilalatag na rin ang mga paghahanda para sa impeachment trial sa July 6.
Sesentro na rin sila sa iba pang mga priority bills ng mga senador at aatasan na rin ang mga komite sa pagsasagawa ng mga pagdinig matapos na maitalaga na ang mga chairman, vice chairs at mga members ng mga komite.
Nakausap na rin ni Gatchalian ang ilang mga miyembro ng minority at nagpapasalamat siya sa partisipasyon ng mga ito kahapon sa sesyon at nagpahayag din sa kanya ang mga ito na gusto na rin nilang magtrabaho.










