Friday, September 18, 2026

SENIORS, PWDs AT SOLO PARENTS SA STA. BARBARA, KABILANG SA TUMANGGAP NG MAS MATAAS NA RICE SUBSIDY

Mas malaking rice subsidy ang inilaan para sa ilang priority sectors sa Sta. Barbara, Pangasinan, kasabay ng pamamahagi ng bigas sa mahigit 2,500 residente ng bayan.

Habang tig-10 kilo ng bigas ang natanggap ng regular na kwalipikadong benepisyaryo, umaabot naman sa 20 kilo ang inilaan para sa senior citizens, persons with disabilities, solo parents at mga miyembro ng TODA.

Isinagawa ang distribusyon sa loob ng dalawang araw at sumaklaw sa lahat ng 40 barangay ng Sta. Barbara.

Unang nabigyan ang mga benepisyaryo mula sa 11 barangay noong Miyerkules sa Evacuation Center cum Multi-Purpose Building, habang ipinagpatuloy nitong Huwebes ang distribusyon para sa 29 pang barangay.

Ayon sa Municipal Government of Sta. Barbara, ang pondong ginamit sa rice subsidy ay mula sa Local Government Support Fund o LGSF.

Ang LGSF ay pondong nagmumula sa National Government na inililipat sa mga lokal na pamahalaan para sa mga kwalipikadong programa at proyekto. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments