Isinagawa ang aktibidad noong Setyembre 15 sa Don Leopoldo Sison Convention Center sa Alaminos City, Pangasinan.
Sa pangunguna ni OWWA Region 1 Regional Director Marivic L. Mondina, pinagsama-sama sa caravan ang iba’t ibang serbisyo ng OWWA, mga katuwang na ahensya ng pamahalaan, at lokal na pamahalaan upang mas mapalapit sa mga OFW at kanilang pamilya ang kinakailangang tulong at impormasyon.
Kabilang sa mga serbisyong inihandog ang OWWA membership at E-Card services, welfare at medical assistance, legal at employment facilitation, livelihood at entrepreneurship programs, health and wellness services, financial literacy, documentation assistance, at iba pang information services.
Dumalo rin sa programa sina Alaminos City Mayor Arth Bryan C. Celeste, DMW Region 1 Regional Director Christian Rey O. Sison, Pangasinan Governor Ramon V. Guico III, at kinatawan ng Unang Distrito ng Pangasinan na si Board Member Apolonia D.G. Bacay, bilang kinatawan ni Congressman Arthur F. Celeste.
Ayon sa OWWA, bahagi ang Serbisyo Caravan ng Alagang OWWA Program, na nakatuon sa paghahatid ng mas abot-kamay at maagap na serbisyo sa mga OFW at kanilang pamilya sa pamamagitan ng tinatawag na 4-K—Kalinga, Kaalaman, Kabuhayan, at Kalusugan.
Matapos ang Alaminos City leg, nakatakdang magtungo ang OWWA Region One Serbisyo Caravan sa Cabugao, Ilocos Sur sa Oktubre 8, at sa Laoag City, Ilocos Norte sa Oktubre 22.
Layunin ng programa na maihatid ang mga serbisyo ng pamahalaan sa mas maraming OFW at kanilang pamilya sa buong rehiyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








