
Tiniyak ni Senate President Tito Sotto ang agad na pag-co-convene ng Senate Impeachment Court oras na ma-i-transmit ng Kamara ang mga articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Sotto, kung sakaling mapagbotohan at makalusot sa Mababang Kapulungan ang impeachment case laban kay VP Sara sa pagbabalik-sesyon sa May 11 at sa May 12 ay maisumite na ito sa plenaryo ng Senado, posibleng sa May 13 o kinabukasan ay mag-convene na ang Senado bilang impeachment court.
Kailangan aniyang naka-sesyon ang Senado sa pagtanggap ng mga articles of impeachment.
Sinabi pa ni Sotto na kahit mag-si-sine die adjournment na ang first regular session ng 20th Congress sa June 5, hindi naman ito makakaapekto sa impeachment proceedings dahil maaaring mag-extend ang impeachment court para sa paglilitis.
Samantala, sa caucus kanina ng mga senador, ang mga dumalo ay sina Sotto, Senate President pro-tempore Ping Lacson, Senate Majority Leader Migz Zubiri, Deputy Majority Leader JV Ejercito, Senators Risa Hontiveros, Pia Cayetano, Lito Lapid, Loren Legarda habang sa panig ng minorya ay si Senator Robin Padilla.
Binigyang-diin ni Sotto na mahalagang nakahanda rin ang Senado dahil seryosong nakatutok dito ang taumbayan.










