Tuesday, April 28, 2026

Atty. Manases Carpio, may karapatang magsampa ng kaso laban sa BSP, AMLC at ilang kongresista – Palasyo

Nilinaw ng Malacañang na karapatan ng sinuman ang magsampa ng kaso kung naniniwala silang nalabag ang kanilang mga karapatan.

Ito ang naging pahayag ng Palasyo matapos magsampa ng criminal complaints ang asawa ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Manases Carpio sa Quezon City Prosecutor’s Office laban sa ilang opisyal ng gobyerno at mambabatas.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi na saklaw ng Palasyo o ng Pangulo ang magiging kapasyahan sa mga reklamong inihain.

Gayunpaman, may tiwala ang administrasyon sa hudikatura at alam ng mga hukom at piskal kung paano timbangin ang batas upang malaman kung may sapat na basehan ang kaso o dapat itong ibasura.

Kabilang sa inireklamo sina Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona Jr., Anti-Money Laundering Council (AMLC) Executive Director Ronel Buenaventura, at ilang miyembro ng House Committee on Justice tulad nina Representatives Gerville Luistro, Percival Cendaña, Chel Diokno, at Leila De Lima.

Nag-ugat ang reklamo sa umano’y paglalabas ng confidential bank records ni Carpio sa pagdinig ng Kamara, na aniya’y paglabag sa Anti-Money Laundering Act, Bank Secrecy Law, at Data Privacy Act.

Facebook Comments