
Ipina-cite in contempt ng Senate Committee on Foreign Relations si Special Envoy on Transnational Crime Amb. Markus Lacanilao matapos na hindi makuntento ang ilang senador sa paulit-ulit na pagsagot nito at sa tingin nila ay nagsisinungaling ang ambassador.
Sa pagdinig ay nagmosyon si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na i-cite in contempt si Lacanilao matapos na hindi makuntento ang mga senador sa sagot nito sa dokumento tungkol sa surrender at pag-transfer kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Unang tinukoy rito ni Senator Imee Marcos ang naging sagot ni Lacanilao sa number 8 item na “do not know” o hindi niya alam ang petsa, oras at lokasyon na iniharap sa local na korte ang dating Pangulong Duterte.
Nabusisi ni Sen. Marcos si Lacanilao kung may dahilan ba sa pagmamadali na maaresto ang dating pangulo gayong hindi pala ito naihaharap muna sa lokal na korte sa bansa.
Tugon ni Lacanilao, hindi niya alam at nag-volunteer lamang siya na samahan si Duterte na mailipad at maihatid sa The Hague, The Netherlands dahil bukod siya ang nakalagda sa information ay siya lang din ang eksaktong may dala ng pasaporte noong dakpin ang dating presidente.
Para kay Dela Rosa, nakapagtataka at misleading na hindi alam ni Lacanilao kung dinala sa competent local court si Duterte at sa tingin pa ng mambabatas ay nagsisinungaling ang opisyal.