
Inamin ni Environment Acting Secretary Juan Miguel Cuna na masakit at mabigat na tungkulin ng Department of Environment and Natural Resources o DENR na mag-isyu ng tree cutting permit.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Cuna na ang naturang hakbang ay para bigyang daan ang mga proyekto na magbebenipisyo ang taumbayan sa hinaharap.
Bukod dito, inihayag ng kalihim na bahagi ang proyekto ng mandato ng ahensya para sa urban development.
Nabatid na binigyan ang pribadong kompaniya ng permit ng 90 araw para mailipat at putulin ang mga puno bilang bajagi ng Southern Access Link Expressway (SALEX) project kung saan sa kasalukuyan ay tuloy-tuloy ang proyekto.
Sa ngayon, nasa 245 na puno na ang naputol habang 38 puno naman ang nailipat na.
Dagdag pa nito, tututukan ng DENR ang planong pagtatanim ng 50,700 seedlings na isasagawa sa Intramuros, Hidden Garden at Center Island na tapat ng Philippine Postal Corporation (PHLPost).










