
Pormal na nagsampa ng kaso sa Quezon City Prosecutor’s Office ang kilalang health advocate na si Dr. Anthony Leachon laban kay dating Health Secretary at ngayo’y Iloilo 1st District Rep. Janette Garin.
Kaso ng paglabag sa RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 ang inihain ni Leachon.
Ito ay may kinalaman sa umano’y mga mapanirang pahayag ni Rep. Garin na kumukuwestiyon sa propesyonal na kakayahan ni Dr. Leachon.
Nag-ugat ang kaso sa isang Facebook video na ipinost noong May 22, 2026, kung saan inakusahan umano ni Garin si Leachon na “pumatay ng pasyente nang hindi man lang nakita,” at nagbitaw pa ng iba pang pahayag na umano’y layong dungisan ang kanyang reputasyon bilang doktor.
Iginiit ni Leachon na hindi ito isang anyo ng pagpapatahimik sa mga kritiko kundi pagtatakda ng linya sa pagitan ng makatarungang puna at malisyosong kasinungalingan.
Ayon kay Leachon, walang tamang panahon para gawin ang tama, dahil mahalaga ang katotohanan.










