Pamahalaan, makikipagpulong sa United States Trade Representative sa Amerika kaugnay sa 17% tariff issue

Nakatakdang bumiyahe patungong Amerika si Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs (SAPIEA) Secretary Frederick Go para makipagdayalogo sa United States Trade Representative (USTR) tungkol sa ipinataw na 17% reciprocal tariff ng US sa ilang produktong inaangkat mula sa Pilipinas.

Ang USTR ay isang tanggapan na responsable para sa lahat ng trade tarrifs na itinatakda sa mga bansang nagluluwas ng iba’t ibang produkto sa Amerika.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Go na plano nilang makipagnegosasyon upang matugunan ang isyu at makabuo ng free trade agreement sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.

Naiparating na aniya nila ang planong pakikipagdayalogo ng pamahalaan sa USTR at umaasa sila na magiging positibo ang tugon dito.

Pero nilinaw ni Go na hindi nila planong umapela sa Amerika na huwag nang patawan ng taripa ang Pilipinas kundi makipagnegosasyon lamang.

Batay sa pagtataya ng National Economic and Development Authority (NEDA), posibleng makaapekto ng hanggang 0.1% sa Gross Domestic Product (GDP) ng bansa ang ipinataw na taripa sa susunod na dalawang taon.

Tiniyak naman ni Go na handang tumulong ang pamahalaan sa mga exporter na maaapektuhan ng nasabing taripa.

Facebook Comments