
Pinagpapaliwanag na ng Department of Energy ang National Grid Corporation of the Philippines at ilang power generation company kaugnay ng kanilang ginagawang pagkukumpuni at kung kailan muling makakadagdag ng suplay ng kuryente ang mga planta sa Luzon at Visayas.
Sa programang Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Energy Usec. Mario Marasigan na binigyan ng DOE ng 24 oras ang mga sangkot na kumpanya para magsumite ng paliwanag at timeline ng kanilang aksyon matapos ang sunod-sunod na aberya sa mga planta na nagdulot ng red at yellow alerts sa power grid.
Ayon kay Marasigan, prayoridad ngayon ng pamahalaan ang agarang pagkukumpuni ng mga planta at transmission line upang maiwasan ang mas malawak na pagkawala ng kuryente.
Direkta na ring nakikipag-ugnayan ang DOE sa mga plant manager para bantayan ang estado ng mga isinasagawang repair at tiyaking agad na maibabalik ang operasyon ng mga pasilidad.
Babala pa ng DOE, mananagot ang sinumang mapatutunayang nagpabaya o lumabag sa umiiral na rules and regulations sa industriya ng kuryente.










