Suspek sa pamamaril sa isang babaeng kawani ng Office of the Ombudsman, naaresto ng pulisya sa QC

Arestado na ng Quezon City Police District (QCPD) ang lalaking umagaw sa bag at bumaril sa isang babaeng empleyado ng Office of the Ombudsman sa Quezon City, noong Pebrero 2 ng umaga.

Kinilala ang suspek na si Marlon Ayuo Nery, 47.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-9:20 ng umaga ngayong araw nang maaresto ng suspek sa kaniyang tahanan sa Novaliches.


Ayon kay QCPD Director PBGen. Nicolas D Torre III, sa patuloy na follow-up operation ng kaniyang mga operatiba kaugnay sa pagbaril kay Diane Jane Pagurigan, 37, Admin Aide VI Office of the Ombudsman. Noong Pebrero 2, bandang alas-8:20 ng umaga sa tapat ng RCBC Bank sa Quezon Avenue malapit sa kanto ng Cordillera St. sa lungsod.

Sa tulong umano ng CCTV footages na nakunan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at barangay ay namukhaan ang suspek at natunton ang pinagtataguan nito.

Nakuhanan sa CCTV na tila sadyang inabangan ng suspek ang biktima at nang makita ito ay nagmamadaling nilapitan at biglang inagaw ang bag nito, saka binaril bago tumakas.

Nakumpiska mula sa supek ang iba’t ibang uri ng baril, mga bala, cellphones, at isang Honda TMX color gray.

Hindi naman nagbigay ng anumang detalye ang suspek kung ang pamamaril ay kaniyang sinadya o ang motibo lamang nito ay holdapin ang biktima.

Samantala, patuloy pang inoobserbahan ang biktima sa ospital.

Facebook Comments