
Patuloy ang pagtaas ng tubig sa La Mesa Dam sa Quezon City, ayon sa pinakahuling Hydrological Dam Situationer ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa pinakahuling monitoring, umabot na sa 80.14 meters ang water level ng dam, 0.01 metro na lamang bago maabot ang 80.15-meter spilling level.
Kapag umabot sa spilling level, posibleng umapaw ang tubig mula sa La Mesa Dam at makaapekto sa mga mabababang lugar sa kahabaan ng Tullahan River.
Kabilang sa mga posibleng maapektuhan ang Fairview, Forest Hills Subdivision, Quirino Highway, Sta. Quiteria at San Bartolome sa Quezon City, pati ang ilang lugar sa Caloocan, Valenzuela, Malabon, at Navotas.
Nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng flash flood at pinayuhan ang mga residenteng nakatira malapit sa ilog na manatiling alerto at sumunod sa abiso ng mga awtoridad.










