Monday, August 10, 2026

Panukalang itaas ang taxable income exemption ceiling, pasado na sa komite ng Kamara

Inaprubahan na ng House Ways and Means Committee ang panukalang batas para maitaas sa ₱350,000 ang kasalukuyang ₱250,000 na halaga ng kabuuang sahod sa isang taon na hindi papatawan ng buwis.

Kasamang inaprubahan ang panukalang batas para ma-exempt ang maliliit na negosyo o microenterprises mula sa 2-porsyentong Minimum Corporate Income Tax (MCIT).

Nakapaloob ito sa ilang mga panukalang batas kasama ang House Bill No. 10345 at 10346 na inihain nina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos.

Ang nabanggit na mga panukalang batas ay alinsunod sa isinulong na mga reporma sa pagbubuwis ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na layuning maibsan ang pasanin ng mga manggagawa at maliliit na negosyante.

Ayon sa chairman ng komite na si Marikina 2nd District Representative Miro Quimbo, hangad ng naturang tax reform package na maalalayan ang bawat pamilyang Pilipino sa gitna ng lumalaking gastos sa pang-araw-araw na pamumuhay dahil sa tumataas na presyo ng mga bilihin.

Facebook Comments