
Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa posibleng pagbaha sa mga mabababang lugar na malapit sa Tullahan River matapos halos umabot sa spilling level ang La Mesa Dam sa Quezon City nitong Lunes.
Batay sa PAGASA Hydrological Dam Situationer, nasa 80.11 meters ang water level ng La Mesa Dam alas-11 ng umaga, 0.04 metro na lang mula sa 80.15-meter spilling level.
Kapag umabot sa 80.15 meters ang tubig, maaari nang umapaw ang La Mesa Dam at makaapekto sa mga mabababang lugar sa kahabaan ng Tullahan River.
Kabilang sa posibleng maapektuhan ang Fairview, Forest Hills Subdivision, Quirino Highway, Sta. Quiteria, at San Bartolome sa Quezon City, pati ilang lugar sa Caloocan, Valenzuela, Malabon, at Navotas.
Pinayuhan ng PAGASA ang mga residente, lalo na ang mga nakatira malapit sa ilog, na manatiling alerto sa posibleng biglaang pagbaha.










